Isang pagtataksil sa bayan ang panukalang magbukas ng konsulado sa Kota Kinabalu dahil magsisilbing epektibong pagkilala ito sa soberanya ng Malaysia sa Sabah, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Ipinabatid ni Locsin ang kanyang reaksiyon sa ulat ng Borneo Post na sinabi ni Sabah Deputy Home Minister Datuk Mohd Azis Jamman na nagsuhestiyon ang isang senior official ng administrasyong Duterte na magtayo ng Philippine consular office sa Kota Kinabalu para matulungan ang mga hindi dokumentadong Filipino.
Noong nakaraang Setyembre, ipinaalam ni Secretary for Mindanao Economic Development Authority (MinDA) Abul Khayr Alonto kay Sabah Chief Minister Datuk Shafie Apdal ang nasabing plano para sa Kota Kinabalu.
Ayon pa sa ulat, ipinarating na ni Alonto sa Malaysian Foreign Ministry ang mensahe na isang independent entity ang Sabah at hindi na maghahabol pa ang Pilipinas sa pagbawi ng Sabah.
“There is a proposal to open a consulate in Sabah, Kota Kinabalu, which effectively recognizes Malaysian sovereignty over Sabah. That’s treason. Just keep your eyes on what Filipino officials, politicians do with our Sabah claim. That is all that counts,” tweet ni Locsin.
Dati nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang intensiyon na ituloy ang pagbawi ng bansa sa Sabah. Nagbunga naman ito nang malakas na suportang politikal mula sa mga grupong Muslim sa Mindanao at naniniwalang dapat ibilang ang Sabah sa independienteng rehiyon ng Bangsamoro.