Mananatiling nag-iisang kaalyadong militar ng Pilipinas ang Estados Unidos, ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr..
“Why the US, the only world power that is a bastion of democracy and human rights, is and will remain our only military ally. We don’t need any other,” tweet ni Locsin.
Sa ginanap na joint press conference kasama si US Secretary of State Michael Pompeo sa Maynila noong nakaraang buwan, sinabi ni Locsin na malaking tulong pa rin ang halos pitong dekadang Mutual Defense Treaty (MDT).
Base sa MDT, magtutulungan ang Pilipinas at Estados Unidos sa sandaling nagkaroon ng armadong pag-atake laban sa dalawang bansa.
Ginawa naman ni Locsin ang kanyang pahayag sa gitna nang lumalaking impluwensiya ng China sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Tiniyak din ni Pompeo sa Pilipinas na totoo ang obligasyon ng Estados Unidos sa ilalim ng MDT.
“As the South China Sea is part of the Pacific, any armed attack on Philippine forces, aircraft, republic vessels in the South China Sea would trigger mutual defense obligations under Article 4 of our Mutual Defense Treaty,” ani Pompeo.
Ikinagalak din ni Locsin ang hindi pagsali ng Estados Unidos sa International Criminal Court (ICC) kasabay ng pahayag nito na sisimulan na ang preliminary examination sa mga patayang nakaugnay sa pakikipaglaban ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.
Sinabi aniya sa kanya ng Secretary of State na hindi sumali ang Estados Unidos sa ICC at pinayuhan siyang huwag din lumahok ang Pilipinas.
“Ignore it. I said at the UN that there is no power on earth that can enforce a judgment of the ICC. And no one disputed it. We’re well out of it and should never have gotten in against the advice of our only military ally: the United States of America,” wika ni Locsin.