Inamyendahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang executive order para maihatag sa mga empleado ng pamahalaan ang dagdag sa suweldo bagamat hindi pa naipapasa ang 2019 national budget.
Ayon sa Malakanyang, inisyu ng Pangulo noong Marso 15 ang Executive Order No. 76, na nagsusog sa EO 201 o ang 2016 Salary Standardization Law (SSL) na nag-aayos sa iskedyul ng dagdag-suweldo at nagpapahintulot na maipamahagi ang iba pang benepisyo sa mga naglilingkod na sibilyan at militar sa gobyerno.
“The President does not want to prolong the overdue salary increase that our public servants, who have been working tirelessly and silently for the last two months, have been looking forward to,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Iginiit pa ni Panelo na ang pagtatalo ng Mababang Kapulungan at Senado ang naging dahilan ng pagkakabinbin ng 2019 General Appropriations Bill (GAB) sa Kamara kung kaya hindi maipatupad ang naturang salary adjustment sa bisa ng ikaapat na bahagi ng SSL.
Inatasan aniya ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na maghanap at magrekomenda ng paraan upang mapondohan ang ikaapat na yugto ng dagdag-suweldo para sa mga manggagawa ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Panelo na nanawagan ang Malakanyang na itigil na ng Senado at Mababang Kapulungan ang kanilang hindi pagkakaunawaan upang marebisa nang Pangulo at maaprubahan ang proposed budget na aayuda sa pamahalaan, mapaunlad pa ang pamumuhay ng mamamayan at matulungang sumulong ang bayan.
Nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino ang EO 201 noong Pebrero 2016 makaraang mabigoa ng Kongreso na maaprubahan ang panukalang magdadagdag sa suweldo ng lahat ng empleado ng gobyerno na ipinaalam ng DBM noong Nobyembre 2015.
Tataas din ang buwanang suweldo ng Pangulo mula P120,000 sa P388,000 ngayong 2019.