Tiniyak ni Senadora Grace Poe na bubusisiin niya ang bigla at nakapagtatakang krisis sa tubig na dinadanas ngayon sa Kamaynilaan samantalang hindi pa ganap na umeepekto ang tag-araw sa bansa.
Dulot ng kakulangan sa suplay ng tubig, naapektuhan ang may 1.2 milyong kabahayan sa silangang bahagi ng Metro Manila na sineserbisyuhan ng Manila Water na kabilang sa Ayala group of companies.
Hindi naman apektado ang kanlurang bahagi ng Metro Manila na nasa ilalim ng Maynilad Water Services Inc.
“Ipapatawag natin ang hearing na ito dahil ang sambayanang walang tubig, walang mainom, walang paligo ay uhaw na uhaw sa katotohanan,” pahayag ni Poe.
Si Poe ang chair ng Senate public services committee na nakatakdang magsagawa ng pagdinig sa Senado buka.
“Samahan niyo kami bukas, alas 10 ng umaga para sa pagdinig natin ukol sa krisis sa tubig,” dagdag pa ng reeleksiyonista.
Samantala, nauna namang ginawa sa Mababang Kapulungan nitong Lunes ang pagdinig sa krisis sa tubig sa pangunguna ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Kabilang sa mga resource person na dumalo sina Health Secretary Francisco Duque, mga alkalde ng naapektuhang lungsod at opisyales ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Sa kanyang presentasyon, ipinabatid ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na lumiit ang alokasyon ng tubig para sa Manila Water dahil may ilang bahagi ang bakante pa nasasakupan nito nang magsimulang kumuha ng tubig sa Angat Dam may 21 taon na ang nakalilipas.
Inihatag na solusyon ni Velasco ang paglipat ng 10 milyong litro kada araw na alokasyon mula Maynilad patungo sa Manila Water sa pamamagitan ng La Mesa Portal.
“Kabilang sa pangmatagalang solusyon ang pagbubukas ng Kaliwa Dam at phase 2 para sa Laiban Dam at ang konstruksiyon ng tunnel at aqueducts,” sabi ni Velasco.