Lumikha ang Commission on Elections (Comelec) ng Comelec control committee (CCC) para pangasiwaan ang mga lugar na ilalagay sa kanilang kontrol.
Base sa Resolution No. 10501 na inisyu noong Pebrero 21, bubuuin ang CCC ng mga kinatawan mula Comelec, Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pamumunuan naman ang CCC ng isang Comelec commissioner.
Inilalagay ng Comelec ang isang lugar sa ilalim ng kanilang control upang maiwasan ang paglaki ng mga bayolenteng insidenteng may kaugnayan sa halalan.
Sa kasalukuyan, Daraga sa Albay, Bicol at Cotabato City pa lamang ang nasa control ng Comelecr.
Idineklarang election hotspot ang Daraga pagkatapos ng pagpatay kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe ng hinihinalang suspek at reeleksiyonistang si Mayor Carlwyn Baldo noong Disyembre 22.
Awtorisado ng poll body ang CCC para lumikha ng special task force teams, na magsisilbing implementing arm kaugnay sa paggawa ng desisyon at pag-atas kaugnay ng pagpapatupad ng Comelec control.
Sa sandaling naipasailalim ng Comelec control, pupuwedeng alisin sa puwesto ang sinumang kasapi ng militar at PNP.
Maaari ring magrekomenda ang Comelec na tanggalin ang sinumang pampublikong opisyales at empleado na susuway sa mga batas hinggil sa eleksiyon o mabigong sumunod sa atas ng Comelec.