Muling pinatunayan ni Senadora Grace Poe na ang matapat na paglilingkod sa bayan ang susi upang makuha ang puso ng mamamayang Pilipino.
Sa pinakahuling sarbey na inilabas ng Pulse Asia Research Inc., muling hinawakan ni Poe ang number one spot ng 2019 Elections Senatorial Preferences na ginawa noong Enero 25 hanggang 31.
Kinamada ng reeleksiyonistang senadora ang 74.9% voting preference gayundin ang perpektong 100% awareness ng mga botante sa buong kapuluan.
Sinundan siya ng kapwa reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar ng Nacionalista Party na nagtala ng 60.5% voting preference at 99% awareness habang nasa number 3 slot naman ang nagbabalik-senado na si Pia Cayetano na may 53.3% at 95%, voting preference at awareness ayon sa pagkakasunod.
Nasa 4th spot ngayon si Lito Lapid na may 53.0%, kasunod sila Senadora Nancy Binay (5th, 50.1%), Senador Sonny Angara (6th, 48.8%), dating Senate President Koko Pimentel (7th, 45.5%), dating Special Assistant to the President Bong Go ( 8th, 44.7%), dating mga senador Jinggoy Estrada (9th, 44.3%) at Mar Roxas (10th, 41.8%), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (11th, 41.2%) at dating senador Bong Revilla (12th, 40.2%).
Simula noong Oktubre 2018, pinakita ni Poe ang kanyang matatag na posisyon sa pagpapanatili ng number one spot mula sa iba’t ibang sarbey kagaya ng Social Weather Stations at RMN Stations nationwide election survey.
Sa pagsisimula ng opisyal na campaign period para sa national elections noong Pebrero 12, sa halip na mangampanya, mas ninais ni Poe na makapiling ang mga kabataang mag-aaral ng Payatas Elementary School sa Quezon City.
Dito niya ginawa ang feeding program sa mga kabataan para makaiwas sa malnutrisyon at bilang pagpapatunay sa mandato ng kanyang pet bill at isa nang ganap na batas – ang First 1000 Days na nagbibigay proteksiyon sa mga sanggol at kabataan sa pamamagitan ng implementasyon ng mga nutrition programs at pagsuporta sa isang ina mula sa pagdadalangtao hanggang sa pagsilang ng kanyang supling.