May 20 porsiyentong diskuwentro na ang lahat ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pasahe para sa lahat ng Metro Manila at provincial bus.
Opisyal na itong nagsimula nitong Lunes matapos ang nilagdaang memorandum of agreement (MOA) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng 13 panglungsod at panglalawigang kompanya ng bus kahapon sa Department of Transportation (DOTr) upang mahatagan ang mga aktibo at unipormadong tauhan ng espesyal na diskuwentro.
Kailangan na lamang ipakita nila ang kanilang valid ID bilang katunayan para makakuha ng bawas-pasahe.
Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na dulot ng MOA, pormal nang magagamit ng mga sundalo at pulis ang benipisyong ito sa pagsakay nila sa bus.
Binanggit pa ni Delgra na naging maganda naman ang pagtanggap ng mga bus operator sa kanilang MOA.
Gayunman, sinabi pa rin ng LTFRB chief na hindi naman mandatory ang nasabing discount at ginawa lamang ito bilang simbolo ng mabuting pakikisama.
Dahil hindi mandatory ang MOA, hindi mapapatawan ng parusa ang mga kompanya ng bus kung hindi nila ito ipatutupad na kagaya ng diskuwentro para sa mga estudyante, senior at persons with disabilities.
Nilinaw din ng LTFRB na direktiba mismo ang espesyal na diskuwentro ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagpupugay sa mga kalalakihan at kababaihang iniaalay ang kanilang buhay para sa bayan.
“In line with the President’s directive, this is our way of giving back to our soldiers, policemen and Coast Guard servicemen who secure our nation and protect the Filipino people. We owe the peace and order and national security of our country to their inspiring service,” pahayag naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade.