Mananatiling numero uno sa puso ng mga Filipino si Senadora Grace Poe kung gagawin na ngayon ang halalan para sa midterm elections.
Sa pinakabagong sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Enero 23 hanggang 26, muling kinuha ni Poe ang top spot ng senatorial race para sa eleksiyon sa Mayo.
Nakakuha ang reeleksiyonistang senadora ng 64 porsiyento na tumaas ng 4 porsiyento kumpara sa 60 porsiyento noong huling SWS survey na inilabas nang nakaraang buwan.
Dahilan ito para maungusan ni Poe ang kapwa reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar na may 57 porsiyento, mas mababa sa dating 62 porsiyento ng voter preference sa kaparehong January SWS survey.
Malaki naman ang itinaas ng nagbabalik-Senado na si Lito Lapid (44%), dating nasa ikaanim na puwesto at ngayong nasa pangatlong posisyon.
Mula pangatlo, bumaba ng isang posisyon si Pia Cayetano (4th, 43%) samantalang nagtabla na sina Senador Sonny Angara at si dating Special Assistant to the President Bong Go na parehong may 41 porsiyento para okupahan ang 5th at 6th spot.
Sinundan sila ni Senadora Nancy Binay (7th, 39%), dating mga Senador Mar Roxas at Bong Revilla na kapwa may 38 porsiyento upang puwestuhan ang 8th at 9th spot, dating Senate President Koko Pimentel (10th, 36%), Senador Bam Aquino (11th, 33%) at dating Senador Jinggoy Estrada (12th, 31%).
Nakikipag-agawan naman kay Estrada para sa 12th and final spot ng Senatorial race sina dating PNP chief Ronald “Bato” Dela Rosa (13th, 29%), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (14th, 28%), dating Senador Serge Osmeña (15th, 27%) at Senador JV Ejercito (24%).
Si Go ang may pinakamalaking pag-akyat na ginawa sa sarbey. Dati siyang nasa 15th place at inookupahan na ngayon kasama si Angara sa 5th at 6th spot.