NTC, mas wastong i-disqualify ang Mislatel

LUMABAS sa isinagawang pagdinig ng Senado na matagal nang walang bisa ang prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Co. (Mislatel) kaya nalalagay nga­yon sa alanganin ang pagkakapanalo nito bilang ikatlong telecommunication (telco) player sa bansa na lalaban sa duopoly ng Smart Philippines at Globe Telecoms.

Kasama ang Mislatel sa consortium ng China Telecoms at mga kompanyang pag-aari ni Davao businessman Dennis Uy na Udenna Corporation at Chelsea Holdings kaya aminado si Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, na nahaharap sila ngayon sa Senado sa malaking problema dahil sa natuklasan.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mga paglabag ng prangkisa ng Mislatel sa regulas­yon ng National Telecommunications Commission (NTC) makaraang mapaamin niya si Nicanor Escalante, President at Chief Executive Offi­cer ng Mislatel. na hindi pa rin pag-o-operate ng Mislatel simula nang makuha nito ang prangkisa noong 1998 at ang kawalan ng Congressional approval sa paglilipat ng kontrol ng kompanya.

Nairita pa si Drilon nang ngitian lamang ito ni Escalante nang tanungin hinggil sa kanilang prangkisa.

“Huwag po kayong ngingiti-ngiti lang diyan. Seryosong usa­pin ito. Nakakainsulto po kayo!” pahayag ni Drilon.

Binigyang-diin ni Drilon na dahil sa mga paglabag maitutu­ring nang revoked ang prangkisa ng Mislatel.

Aminado naman si Poe na may kakulangan ang batas sa usa­pin kung sino nag dapat mag-revoke ng mga inisyung prangkisa ng Kongreso.

Dahil dito, idiniin nia Poe na wastong talakayin ng mga miyembro ng komite kung palulusutin ang consortium ni Uy para sa interes ng publiko na sabik na bagong telco o simulang muli ang bidding para sa 3rd telco.
“Dahil doon sa kakulangan na ‘yun, nakabinbin ngayon dito. ‘Pag hindi namin ginawa ng tama dito puwedeng pumunta sa korte ang iba,” ani Poe.

Sampal sa negosyanteng si  Uy ang natuklasan ng komite lalo pa’t nagmamalaki ito na gusto niyang maging best telecommunications company sa bansa ang Mislatel Consortium.

Ibinuking naman ni Senador Antonio Trillanes IV na noong panahon ng bidding para sa 3rd telco, nagkaroon ng pagkakataong magkasama sina Uy, Finance Secretary Carlos Domin­guez, Executive Secretary Salvador Medialdea at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

Isinalaysay ni Trillanes na nagtungo ang mga ito sa Davao lulan ng iisang eroplano na pag-aari ni Uy.

Sinabi ng senador na kuwesti­yunable na kasama ni Uy ang tatlong opisyal na miyembro ng oversight committee ng 3rd telcos project.

Inamin naman ni Esperon ang insidente subalit iginiit na hindi naman ito nangangahulugan na niluluto nila ang proseso.

Ibinunyag din ni Trillanes na ang kapatid ni Finance Secretary Dominguez na si Paul Domingue­z ay nasa Phoenix na pag-aari rin ni Uy.

Bukod kay Uy, lumabas din sa pagdinig na nag-contribute ang ilang board of directors at opis­yal ng Udenna at iba pang kompanya na pag-aari nito sa kampanya noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Lumabas na nagbigay ang asawa ni Uy na si Cherlyn Uy ng isang milyong piso; board member Efren Uy ng P3.5 mil­yon; ang OIC ng Udenna Cheres Damuy ng P500,000; Corporate Secretary Maria Henedina San Juan, P400,000 at Vice President Udenna Ignacia Braga, P150,000.

Malinaw na may paglabag ang Mislatel sa mga patakaran kaugnay ng prangkisa nito kaya wasto lamang na idiskuwalipika ito ng National Telecommunications Commission (NTC) at repasuhin ang pa-bidding upang makapili ng ikatlo telco na kakasa sa Smart at Globe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this:
search previous next tag category expand menu location phone mail time cart zoom edit close