Militarisasyon sa BOC, labag sa Konstitusyon

ni X BORLONGAN

NANG italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Rey Leonardo Guerrero, hudyat iyon sa kontrol ng militar sa Bureau of Customs (BOC).

Kaagad inilagay ni Duterte sa floating status ang mga hepe ng iba’t ibang departamento ng kawanihan maging ang BOC police at sa halip sibakin, itinalaga niya ang matagal na naging hepe ng Davao City na si Isidro Lapeña bilang miyembro ng Gabinete sa pagiging bagong hepe ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Inatasan ni Duterte si Guerrero na magpasailalim kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III para sa mechanics ng military takeover partikular sa aspektong teknikal ng Customs operation.

Nabigla maging si Lapeña sa kautusan ni Duterte na waring napagod sa large-scale drug trafficking sa BOC. Walang nasabi si Lapeña kundi “I submit to the wisdom of the President.” at maluha-luhang tinanggap ang kanyang promosyon bilang miyembro ng Gabinete.

Pumalag sa promosyon

Bagama’t ipinagtanggol ni Duterte si Lapeña, tulad ng pagtatanggol niya sa dating hepe ng BOC na si Nicanor Faeldon, maraming tumututol sa promosyon nito sa TESDA.

Pangunahin sa kumontra kay Lapena ang dating Customs collector na si Atty. Loudes Mangaoang na naniniwalang miyembro ng sindikato sa droga ang dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agancy (PDEA) bago inilipat sa BOC.

Isinama ni Lapeña sa BOC ang lahat ng pinagkakatiwalaan niyang tauhan sa PDEA kaya nagtataka si Mangaoang kung paano sila nalusutan ng mga nagpuslit ng nagkakahalagang P11 bilyong shabu sa apat na magnetic lifters na idiniskarga sa Magallanes, Cavite.

Sa maraming panayam ng media, tinawag na numero unong sinungaling ni Mangaoang si Lapeña dahil pinagtatakpan nito ang sindikato sa droga.

“Pinagtatakpan niya, sinabi niyang walang droga diyan, ‘yung aksiyon niyang ‘yan ay magagamit ng drug syndicate in their defense. Kapag pinagtakpan mo, kapag itinatago mo ‘yung body of the crime. You are at the very least an accessory. You must be charged,” sabi ni Mangaoang. “Commissioner of Customs siya, dapat siya ang nagpo-prosecute ng smugglers pero in this case ginagawa niya, pinagtatakpan niya, pinagtatanggol niya iyung drug syndicates.”

Walang mangyayari sa pagkilos ng militar

Matagal nang ginamit ng gobyerno ang militar sa Bureau of Customs (BOC) pero hindi rin naging epektibo kaya pinagsisibak din ng noon ay si Pangulong Diosdado Macapagal.

Sabi nga ni Sen. Panfilo Lacson, matatalino ang mga ismagler noon na “pinainan” ng magagandang GRO (guest relation officer) ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya nakalulusot pa rin ang pagpupuslit ng epektos sa BOC.

Kaya nakapagtataka ang paglalagay ni Duterte sa military control sa BOC para maputol ang large-scale drug trafficking sa kawanihan. Kung hindi nagawa noon, paano magagawa ngayon?

Malinaw ang isinasaad sa Article XVI Section 5 (4) ng Konstitusyon: “No member of the armed forces in the active service shal, at any time, be appointed or designatened in any capacity to a civilian position in the Government, including government-owned or controlled corporations or any of their subsidiaries.”

Malinaw na ngayon na labag ang pagkontrol ng militar sa BOC na sibilyan ang karakter. Pero bilang abogado, naniniwala si Duterte na may karapatan siyang iwasto ang maling sistema ng korupsiyon sa BOC.

Walang nagawa ang mga dating opisyal ng militar at pulisya na sina Nicanor Faeldon at Isidro Lapena para mahadlangan ang pagpasok ng salot na droga sa ating bansa. Wala ring nagawa ang mga retiradong militar na sina Ramon Farolan, Salvador Mison at Guillermo Parayno Jr. sa kanilang mga panahon bilang hepe ng BOC para maputol ang ismagling sa kawanihan kaya malinaw na kongklusyon na hindi kaya ng militar na hadlangan ang pagpupuslit ng droga sa ating mga adwana.

Pinakamabuting ipabalik na lamang ni Duterte ang dating sistema na naiinspeksiyon na sa pinagmulang daungan ang lahat ng shipment o epektos bago pumasok sa Pilipinas. Tanging sa ganitong paraan, hindi masisisi ang opisyal ng BOC na nakikipagsabwatan ang kanilang hepe sa mga nagpaparating ng droga mula sa China, Malaysia, Taiwan at ibang bansa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this:
search previous next tag category expand menu location phone mail time cart zoom edit close